|
|
|
|
|
![]() |
Click on the image for more details |
|
|
||||
|
|
NAWAWALANG SULAT by Chris Salvatierra Indigo Corewomyn Sa aking kabiyak, Kaytagal nang panahon ang ginugol ko dito. Hindi ko man lang nakita ang napakaraming kasiyahan, okasyon at pangyayari sa buhay natin. Araw-araw, walang katapusang karagatan ang aking tinatahak. Isinasa-isip na lamang na para sa ating kinabukasan ito. Sa taunang balik ko dyan, kulang pa ang oras para sa kamag-anak…kulang pa rin ang perang uwi para sa lahat. Hindi man lang kita natulungan sa paglilipat sa bago nating bahay. Kumpleto na ba ang mga kagamitan? May sofa na ba tayo? Sa pag-uwi ko ba ay bago nang kama ang ating hihigan…at pagsasaluhan? Masaya sana kung mayron na tayong supling na kahit papaano ay magpapa-alis ng kalungkutan at paghihintay mo sa akin. May libangan ka sana…hindi puro halaman at aso lang. Malaki na sana ang ating panganay ngayon…malikot na…makulit…maraming tanong. Hay, baka mag-tanong lang siya kung nasan ako ngayon…buti na lang at talagang imposible tayong magka-anak. Masakit isipin na kahit hindi naman tayo salat sa mga materyal na bagay ay salat naman tayo sa mga anak. Oo, alam ko na hindi mo na rin kayang mag-luwal at wala rin naman akong kakayahang mag-punla pero masarap lang mangarap. Maraming babae dito…sa bawat pier na aking daungan, mayroon palaging kimikindat o ‘di kaya’y nagpaparamdam. Alam nila marahil na matapos ang ilang lingo o buwan na pamamalagi sa laot, may pangangailangan din ako – may hindi nagagamot na sugat na tanging pagsisiping lang ang magpapa-alis ng lungkot marahil, maliban sa iyo. Aba, may hitsura naman kahit papaano ang asawa mong ito. May mga masel na bunga ng pagbabanat ng buto. Maganda rin naman ang kulay ko na siyang kinaiinggitan ng mga puti. Kung hindi ko lang naiisip ang aking binitiwang salita at ang sakit na maaaring idulot nito, malamang marami nang gabi akong naglunoy sa kandungan ng iba. Panandaliang aliw na pawang gamot sa lungkot at pangungulila. Paiba-iba ang aking napuntahang mga lugar. Mayroong mainit at ang mga tao’y medyo sunog…meron namang napakalamig na nagye-yelo at ang mga tao’y nagmamadali sa kanilang paglakad. Minsan sa isang parke ay naalala ko ang mga sandaling namasyal tayo sa Luneta. Naalala ko ang pagkain natin ng mami sa isang tabi habang lumulubog ang makasaysayang araw sa dagat ng Manila Bay. Naisip ko rin ang kakulitan mong ibili kita ng inihaw na tuyong pusit minsang napadaan ako sa isang palengke sa Europa. Masarap siguro kung kasama kita sa aking paglalakbay. Ngunit ikaw ay nariyan…pinagpapatuloy pa rin ang isa sa pinaka-marangal o kundi man ay pinaka-marangal na propesyon – ang iyong pagtuturo. Hamo, ilang taon na lang at tayo nama’y makaka-pamasyal na rin sa pinapasyalan ko. Kani-kanina lang ay napanood ko ang nangyari sa New York at Washington…nakakalungkot…nakaka-pangilabot…nakaka-galit…nakaka-inis…nakaka-takot. Ahhh…ayaw ko na yatang pag-usapan pa ito. Ilang taon na lang…konting tiis na lang…hindi ko alam kung ang paalala na ‘to ay para sa iyo o para sa akin. Parang gusto ko nang igsi-an ang aking pag-sakay sa barko. Malaki ang agwat ng ating edad…malapit ka na sa dapit-hapon…ako nama’y sumisibol pa lang. Nagsisimula pa lang akong maka-ipon samantalang ikaw ay establisado na. Pero alam ko na mas gusto mo na may hanap-buhay ako kaysa sa aasa na lang ako sa abot mo, sa abot ng tatay ko o sa abot ng kung sinoman. Konti na lang at malapit ko nang matunton ang ipon na aking tinalaga sa pag-uumpisa ng negosyo – kung anuman ‘yon, ‘di ko pa alam. Gusto ko sa iyong pagreretiro, negosyo na lang ang ina-atupag natin. Sa gayon ay mas marami ang oras natin sa isa’t-isa. Patuloy ako sa pagdarasal…nagpapasalamat ako sa Kanya…hinihiling na patnubayan pa Niya tayo lalo…humihingi ng konti pang panahon para magkasama muli. Nabalitaan ko na na-ospital ka ng ilang araw. Wala ka naman daw sakit…tanda lang daw ng iyong pag-edad. Huwag kang masyadong magpagod. Dahan-dahan lang sa pag-sermon sa iyong mga estudyante. Hindi ko maintindihan nung una kung bakit mo inilihim sa akin ang bagay na ito. Isina-isip ko na lang na ayaw mo akong mag-alala sa iyo. Salamat na lang at nandyang bumibisita ang kapatid mo nang ikaw ay ma-ospital. Siya rin ang nagsabi sa akin. Mahal na mahal kita. Hanggang ngayon, alam kong may pagdududa ka pa sa akin. Hindi ka mapalagay hangga’t wala ako sa tabi mo. Kapag naa-alala kita, para mawala ang lungkot at pangungulila, iniisip ko na lang yung ating unang pagpunta sa Subic. Pero kahit puro masasaya ang aking naa-alala, hindi ko maiwasang mapa-luha. Alam ko na masakit para sa iyo ang mawalay sa akin. Masakit lalo kung iisipin mo na hindi tayo kasal at hindi pwedeng magpakasal. Hindi ba, matagal na akong umu-ungot ng kasal ngunit ayaw mo dahil hindi iyon sa simbahan? Ewan ko ba kung bakit ayaw pa nilang pumayag na tayo’y magpakasal – nag-mamahalan naman tayo ng tapat. Wala kang pinang-hahawakan na ako’y iyo at ikaw ay akin…tayo’y may iisang tibok ng puso. Mayroon mang tayong pagkaka-intindihan, marami-rami pa rin ang hindi maka-intindi. Ang hirap nga ng ganitong nagaagam-agam tayo sa ating bukas. Sadya bang maikli ang buhay ng ganitong pag-iibigan? Para sa kin, ikaw na ang huli kong pag-ibig. Hindi man tayo kasal, higit pa tayo sa mag-asawa kung mag-turingan. Nagpadala nga pala ako sa ating bangko. Paki-tingnan na lang pati ang balanse ng aking ipon. May kalakihan din ang na-ilagay ko para sa atin. Pang-bili ng mga kasangkapan para sa munti nating paraiso. Medyo nabigyan ako ng malaking tip ng isang pasahero. Konting panahon na lang at babalik na ako diyan. Hindi na ako sasakay pa sa barko ng hindi kita kasama. Masyado na ang sakit sa pangungulila ko sa iyo para iwan ka lang muli. Sa aking pag-uwi, hahalik ako sa lupa ng Pilipinas…pagkatapos ay habang buhay na kitang hahalikan…palagi ay magkasama na tayo. Mahal na mahal kita. Magkikita na rin tayo…sa langit. Ang nagmamahal sa iyo. Ana © CJBS 2002
About the Author Chris, as she is called by her wife - Kokoy to her Indigo friends - drives a car lovingly named Macho. She was last year's and (still) 2003 overall Coordinator of Task Force Pride activities.
|
|||
This site was last updated 11/24/03